Inamin ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na hanggang sa ngayon ay wala pang garantiya na hindi na mauulit ang mga nangyayaring krimen sa cyber space.
Ito ang sinabi ni Sec. Remulla sa eksklusibong interview ng Bombo Radyo, kasunod ng kabi-kabilang insidente na ginagawa sa pamamagitan ng internet.
Ayon pa sa kalihim, patuloy na nag-i-ivolve ang mga modus operandi ng mga kawatan sa cyberspace kaya mahalagang mai-angkop ang mga batas para malabanan ang mga sangkot sa ganitong mga gawain.
Kung ang mga bangko nga raw na may redundancy na sa kanilang security setup, kung minsan ay nagagawa pa rin ng ilan na makalusot sa pagkuha ng data mula sa automated teller machine.
Gayunman, naniniwala si Sec. Remulla na may iba pang magagawa para labanan ito at iyon ay maagang pagsusumbong ng mga mamamayan sa mga kinauukulang tanggapan.