Nagpaliwanag ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa napaulat na ilang aberya na naranasan sa pagkuha ng updated na bersyon ng digital vaccination proof.
Ayon kay DICT Secretary Atty. Ivan John Uy na nagpaso na noon pang Setyembre 30 ang kontrata sa software na ginagamit para sa digital COVID-19 vaccination certificate o VaxcertPH.
Paliwanag pa ng kalihim na inaayos na ng ahensiya ang isyu sa pondo para maipagpatuloy ang paggamit sa naturang software at kontrata sa software provider.
Dahil ayon sa kalihim ang renewal ng sofware contract ay isang “unprogrammed expense” sa parte ng DICT kaya humagilap pa sila ng pondo na magagamit dahil ang VaxCertPH ay nakatakdang iturn-over sa pamamahala ng Department of Health (DOH).
Subalit, kamakailan lamang sinabi ng DOH na hindi pa handa ang kanilang personnel para pangasiwaan ang sistema at hiniling sa DICT na ipagpatuloy ang pamamahala sa VaxCertPH.
Kung maaalala na dinivelop ng DICT ang VAxCertPH sa pakikipagugnayan sa DOH sa gitna ng covid-19 pandemic na ginagamit bilang patunay na nabakunahan ng covid-19 vaccines partikular na bilang requirement sa mga Pilipino na nagtutungo sa ibang bansa.