Umaasa ngayon ang Department of Health (DoH) na pagbibigyan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang hirit na P27 billion para sa allowance ng mga health workers na nagbigay ng kanilang serbisyo sa kasagsagan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Department of Health Usec. Maria Rosario-Vergeire, ang kanilang hirit ay karagdagang pondo para sa mga health workers.
Sa ngayon tuloy-tuloy daw ang kanilang komunikasyon sa DBM para sa kanilang hiling na dagdag na pondo.
Sa ngayon, nakapaglabas na raw sila ng P19.4 billion na galing sa General Appropriation Act (GAA) at Special Allotment Release Orders (SAROs).
Inilabas daw ito ng DBM para sa mga health care workers.
Hinihintay pa rin naman daw ng Department of Health ang tugon ng DBM sa kanilang hirit at issuance para maipamahagi na ito sa mga healthcare workers.
Umaasa rin si Vergeire na maibigay na ito bago mag-Pasko para masaya raw ang magiging Christmas ng mga health care workers.
Kung maalala, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act (RA) No. 11712 na kilala ring “Public Health Emergency Benefits and Allowances for Healthcare Workers Act,” na nagmamandato sa patuloy na pagbibigay ng benepisyo sa lahat ng mga healthcare workers sa bansa.