Naka-heightened alert ang Department of Health (DOH) para sa posibleng outbreaks ng water and food-borne diseases sa mga lugar na sinalanta ng Tropical Storm Paeng.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na lahat ng DOH units ay inilagay sa heightened surveillance laban sa mga posibleng outbreak ng waterborne at foodborne na mga sakit gayundin ang mga sakit na tulad ng influenza.
Nauna nang inihanda ng kagawaran ang mahigit P31 milyong halaga ng mga gamot at medical supply sa mga rehiyong apektado ng Paeng.
Naka-standby din ang mahigit P72.8 milyong halaga ng medical commodities para sa mobilisasyon kung kinakailangan.
Dagdag pa ni Vergeire na nag-deploy din ang DOH ng human resources for health (HRH) sa 633 evacuation centers sa buong bansa upang matiyak ang patuloy na pagkakaloob ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Tungkulin nito ay ang pagsasagawa ng screening at triage ng mga evacuees sa mga evacuation center, gayundin ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, nutrisyon, medikal at psychosocial.
Ang mabilis na pagsusuri sa kalusugan ay isinagawa din upang masuri ang kalagayan ng mga apektadong populasyon.
Ang mga rehiyonal na ospital ng DOH ay inilagay sa mataas na alerto upang maghanda para sa agarang deployment o augmentation, gayundin upang asahan ang posibleng pagtaas ng mga admission sa ospital.