Mahigpit ang monitoring ng Department of Health-Food and Drug Administration o DOH-FDA laban sa bentahan ng hindi rehistradong Ivermectin capsules.
Pinayuhan ng kagawaran ang publiko at health care professionals na huwag bilhin o gamitin ang IVERMECTIN – IverCureMe 15 mg 10 capsule.
Nakasaad sa kahon ng naturang produkto na ito ay “anti-parasitic, anti-bacterial at antiviral.”
Pero base sa pag-beripika ng FDA Post-Marketing Surveillance, ang nabanggit na Ivermectin capsule ay hindi dumaan sa tamang proseso ng pagpapa-rehistro sa kanilang ahensiya.
Idinagdag pa rito na hindi rin naisyuhan ng kinakailangang “authorization” o “certificate of product registration”.
Dahil dito, iginiit ng FDA na hindi matitiyak ang kalidad at kaligtasan ng nasabing hindi rehistrado o ilegal Ivermectin capsule.
Ang pag-inom nito ay maaaring magdala ng potensyal na panganib sa kalusugan ng publiko.
Kasabay nito, muling nagbabala ang DOH-FDA sa mga negosyo o establisimyento na gumagawa o nagbebenta ng mga produktong hindi otorisado o walang tamang dokumento.
Pinamomonitor din ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan at mga otoridad ang bentahan ng hindi rehistradong produkto sa kani-kanilang nasasakupan.