-- Advertisements --

Inatasan na ng Department of Health (DOH) ang Bureau of Quarantine (BOQ) para busisiin ang nilalaman ng One Health Pass (OHP) na isang online screening system para sa international travelers sa gitna na rin ng panawagan mula sa mga Senador na tanggalin na ito.

Ayon kay Health undersecretary at officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ang mahabang listahan ng mga detalye na kinakailangan para sa One Health Pass ay maaari aniyang nakakasagabal para sa mga pasahero.

Aniya nang kanilang i-review ang nilalaman nito, nakitang maraming mga detalye ang kailangang i-comply ng mga pasahero dahil maliban sa mga requirements online, kailangan din ng mga international travelers na sumailalim sa validation ng Bureau of Quarantine sa mga paliparan na nagdudulot ng mahabang pila at pagkaantala.

Una rito, isa si Senator Nancy Binay na chair ng Senate committee on tourism sa naghayag na suspendihin ang OHP sa gitna ng mga reklamo mula sa mga biyahero sa kanilang naranasang inconvenience sa naturang screening system.

Sinabi din ng senadora na nagiging pahirap para sa mga overseas Filipino workers at returning Filipinos lalo na para sa mga cleared na matapos ma-quarantine at fully vaccinated laban sa COVID-19.

Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na makikipagkita ang DOH sa ibang implementing agencies kabilang ang Department of Transportation at ng Department of Tourism para talakayin kung paano maaayos ang proseso at magiging convenient para sa mga biyahero.

Kung maaalala, simula noong September 2021, ginawang mandato ng BOQ at ng DOTr-One Stop Shop ang One Health Pass bilang paraan para maproseso ang mandatory health protocols at quarantine requirements ng international travelers mula sa kanilang departure at kanilang point of origin patungo sa kanilang pupuntahang lugar at iba pang destinasyon sa Pilipinas.

Ilan sa mga requirement online na hinihingi ay ang kanilang flight details, personal profile, health at vaccination status, passenger’s occupation, purpose ng pagbisita, PhilHealth number, at residence details.