-- Advertisements --
image 99

Dahil na rin umano sa kaliwa’t kanang mga isyu, nais ngayon ni Finance Secretary Benjamin Diokno na mawala sa Pilipinas ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Inilarawan pa ng Finance secretary ang POGO na may “social” at “reputational risks.”

Kung si Diokno raw ang tatanungin ay maaari nang alisin ang POGO na nagsisimula na rin naman daw na humina ang kita.

Sinabi ng kalihim na umabot sa P3.9 bilyon ang kita ng POGO noong 2021, mas mababa sa P7.2 bilyon na kinita noong 2020.

Ayon kay Diokno, nang ipatigil ng China at Cambodia ang operasyon ng POGO sa kanilang mga bansa, maaaring lumipat sila sa Pilipinas dahil sa iniisip nilang masyadong maluwag o hindi mahigpit ang batas sa bansa.

Kung maalala, Setyembre 2019 noong nagbanta ang DOF na isasara na ang POGO dahil sa tax liabilities.

Tinatayang aabot sa P21.62 bilyon na withholding income taxes ang hindi nakokolekta dito. Bunga nito, ilang POGO operators ang nagsara.

Sa pagtaya ng Finance Department noong 2020, inihayag nito na maaaring kumita ng gobyerno sa mga POGO ng hanggang P20 bilyon bawat taon. Gayunman, nasa P6 bilyon lang ang nakolekto sa industriya noong 2019.

Una nang ipinaliwanag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang “legal issues” ang nagiging problema sa pagkolekta ng franchise taxe mula sa mga POGO dahil sa katwiran na non-resident corporations sila at hindi saklaw ng naturang buwis.

Iginiit naman ng POGO industry na kinakatawan ng Accredited Service Providers Association of PAGCOR (ASPAP) na nagbabayad ang kanilang mga miyembro ng karampatang regulatory fees, corporate at withholding tax ng mga kawani nila.