Todo ngayon ang panawagan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte sa mga local government units na dapat ay hindi tatagal sa 15 araw ang paggamit sa mga public schools bilang evacuation centers.
Ayon kay Senate Pro Tempore Loren Legarda, lumalabas daw kasing nasa 63 percent sa mga paaralan ang ginagamit bilag evacuation centers ayon sa isang pag-aaral.
Pero sinabi ng bise presidente na sa ilalim ng kanyang panunungkulan ay pinapayagan lamang nang hanggang 15 days ang paggamit sa mga silid aralan bilang evacuation centers.
Nakausap na rin daw ni Vice President Duterte si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos kaugnay rito para magbigay ang kalihim ng direktiba at makausap ang mga local government unit officials.
Nadiskubre rin umano ng Education department na ang ilang paaralan ay ginagamit pa ring evacuation centers sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Odette noong nakaraang taon at ang landslide sa Leyte.
Samantala, sinabi naman ni DepEd Governance at Field Operations Undersecretary Revsee Escobedo na kapag ang isang munisipalidad ay walang mga evacuation center at ginamit ang mga silid aralan, inabisuhan naman ang mga gurong gamitin ang alternative mode sa pag-aaral.
Kasabay nito, hinimok din ni Escovedo ang mga LGUs na huwag gamitin ang mga public schools bilang evacuation centers na tatagal sa loob ng tatlong araw.
Sa Nueva Vizcaya, sinabi nitong ang mga evacuees na apektado ng bagyong Karding ay nagtagal lamang ng isa hanggang sa dalawang araw sa mga public schools.