Tuloy-tuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng Department of Agriculture (DA) sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan matapos masabat ang smuggled yellow onions sa ilang pamilihan sa Metro Manila.
Sa isang statement, tiniyak ng DA na paiigtingin pa nila ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang concerned agencies para mapigilan ang pagkalat ng mga smuggled agricultural commodities sa merkado publiko.
Sinabi ni Assistant Secretary and DA-Wide Field Inspectorate James Layug, ito ay para maprotektahan ang mga magsasaka at mga mangingisda dito sa bansa.
Inisyu ni Layug ang statement matapos ngang maharang ang daan-daang kilo ng ipinuslit na mga sibuyas sa isinanawagang operasyon sa Divisoria, Mutya ng Pasig at mga pamilihan sa Balintawak noong nakaraang linggo.
Ayon sa DA nasa kabuuang 105 na sako ng smuggled yellow onions mula sa Divisoria, Mutya ng Pasig at Balintawak markets at mayroon itong kabuuang timbang na 744 kilos.
Agad naman umanong dinisposed ang mga smuggled items.