-- Advertisements --
image 277

Nais daw masiguro ngayon ng Department of Agriculture (DA) na hindi na maulit ang mataas na kaso ng bird flu noong nakaraang taon kaya naglaan na ang mga ito ng P177.78 million para sa animal disease emergencies.

Ayon sa Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (BAI), ito ay para ma-intensify at ma-reinforce ang disease control measures na nakakaapekto sa mga hayop at livestock sa bansa at makontrol ang paglaganap ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) virus sa bansa.

Sinabi ng Bureau of Animal Industry (BAI) na maglalabas daw ang gobyerno ng mitigating measures sa pamamagitan ng Avian Influenza Protection Program bago at sa kasagsagan ng outbreaks ng bird flu.

Ang naturang pondo ay gagamitin din sa pagresponde sa animal disease emergencies sa pamamagitan ng detection at reliable laboratory diagnostics.

Samantala, sa pamamagitan naman ng koordinasyon sa local government units ( LGUs) at ilang stakeholders, magsasagawa raw ang Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry ng disease investigation activities at surveillance ng mga quarantine zones.

Agad daw isasailalim sa culling o pagsunog saka naman idi-dispose ang mga apektadong poultry animals kapag nakitaan ito ng first sign ng detection.

Sinabi naman ni Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry Assistant Director Arlene Asteria Vytiaco na nagsagawa na sila ng reinforcement control measures para maiwasan ang paglobo ng kaso ng bird flu sa bansa.

Ayaw na raw kasi nilang mangyari ang nangyari noong Pebrero hanggang Abril noong nakaraang taon na tumaas ang kaso ng bird flu.

Kung maalala, alagad nagpatupad ang Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry ng depopulation at intensive surveillance sa loob ng isang kilometrong quarantine zone maging ang paglilinis at disinfection sa layer poultry farm sa Santa Maria, Bulacan noong Enero 31 ngayong taon.

Ito ay matapos makumpirma na positibo sa highly pathogenic avian influenza  Subtype H5N1 doon.

Sinabi ni Vytiaco na ang Bulacan farm ay ang first layer poultry farm na apektado ng bird flu ngayong taon pero agad naman daw naresolba at na-contain ang kaso.

Matapos ang one-kilometer radius surveillance mula sa infected farm, ay ie-expand ito sa seven-kilometer surveillance para masiguro na ang area ay AI free.

Kasabay nito, hinimok naman ng opisyal ang self-reporting o early reporting para agad ma-contain ang naturang sakit.

Dagdag nito, ang mahigpit at epektibong protocol implementation ay isinasagawa rin para maprotektahan ang poultry industry ng Pilipinas.

Ipinunto rin ni Vytiaco ang kahalagahan ng pag-practice ng mahigpit na biosecurity measures lalo na sa mga farms dahil hindi pa raw AI free ng bansa mula nang nagkaroon ng outbreak noong February 2022.

Hinikayat din niya ang mga farm owners at workers na regular na maglinis at mag-disinfect, limitahan ang mga farm visitors at magsagawa ng bird proofing strategies.

Una rito, nag-isyu ang Department of Agriculture ng memorandum order para sa pansamantalang pag-ban ng importation ng domestic at wild birds maging an mga poultry products sa mga bansang mayroong kumpirmadong AI virus outbreak para hindi makapasok sa bansa ang highly pathogenic avian influenza.