-- Advertisements --
BIRD FLU

Naglaan ang pamahalaan ng P177.78 million para pondohan ang inisyatibo para mapigilan ang pagkalat ng sakit na highly pathogenic avian influenza (HPAI) virus o bird flu sa bansa.

Ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyang kasalukuyang tumatayong kalihim ng DA, na paigitngin pa ang mga ginagawang hakbang laban sa bird flu.

Ang naturang pondo na mas mataas sa alokasyon kumpara noong nakalipas na taon ay gaagmitin din para sa pagtugon sa animal disease emergencies sa pamamagitan ng maagap na detection at reliable laboratory diagnostics.

Maliban pa sa maigting na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at stakeholders, ang Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) din ay magsasagawa ng disease investigation activities at surveillance sa mga quarantine zones at magsasagwa ng culling at disposal ng mga apektadong hayop sa oras na makitaan ng sintomas ng virus.

Sa katunayan ayon kay DA-BAI Assistant Director Arlene Asteria Vytiaco nagpatupad ang bureau ng mga control measure para mapigilan ang spike ng mga kaso ng bird flu sa bansa.

Kabilang dito ang depopulation, pinaigting na surveillance sa 1-kilometer quarantine zone gayundin ang paglilinis at disinfection sa poultry farm sa Santa Maria, Bulacan matapos na makumpirmang positibo ang ilang poultry animals ng bird flu noong Enero 31 ng kasalukuyang taon.

Ang naturang farm ang pinakaunang layer ng poultry farm na naapektuhan ng bird flu ngayong taon subalit tiniyak naman ng ahensiya na na-contain na ang virus sa lugar.