-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inaresto ang isang dentista makaraang tutukan ng baril at pagbantaan ang isang tsuper ng ambulansiya sa National Highway, Brgy Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya

Ang suspek ay si Apolonio Padron, 52 anyos , dentista at residente ng Quezon City.

Nakilala naman ang biktima na si Victoriano Espiritu, 64 anyos, tsuper ng ambulansiya at residente ng Villaflores, Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Nauna rito ay nagulat ang biktima dahil sa panunutok sa kanya ng baril at pagbabanta ng pinaghihinalaan.

Ayon sa biktima, nagmamaneho siya ng ambulansiya upang dalhin sa pagamutan ang isang pasyente habang ang suspek ay minamaneho naman ng isang montero na may plakang PQUI 486 nang bigla na lamang nag-cross sa highway.

Matapos nito ay ibinaba ng suspek ang bintana ng kanyang sasakyan saka tinutukan ng baril ang tsuper ng ambulansiya at pinagbantaan bago tumakas patungong bayan ng Santa Fe.

Dahil sa pangyayari ay itinawag ng pasyente na nasa loob ng ambulansiya ang pangyayari sa Santa Fe Police Station na agad nagtatag ng checkpoint.

Sa halip na itigil ng pinaghihinalaan ang kanyang sasakyan ay tinakasan pa ang mga pulis na nagsasagawa checkpoint kaya agad nilang hinabol ang sasakyan at kanilang nakorner dahil sa masikip na daloy ng trapiko.

Kaagad namang kinilala ng biktima ang pinaghihinalaan na nanutok sa kanya ng baril.

Ipinasakamay ng Santa Fe Police Station sa Bambang Police Station ang pinaghihinalaan at ang isinukong baril na nagpaso na ang License To Own and Possess Firearm noong June 2, 2019.