-- Advertisements --

Dumipensa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa batikos na kanilang natanggap kasunod nang pagtatambak ng synthetic white sand sa baywalk bilang bahagi ng Manila Bay rehabilitation.

Sinabi ni Environment Usec. Benny Antiporda na ang naturang hakbang ay bahagi ng kanilang P389-million Manila Bay beach nourishment project.

Dalawang taon na aniya nilang nasimulan ito magmula nang magpatupad ng desilting process o pagtatanggal ng burak sa dagat.

Ayon kay Antiporda, may engineering intervention silang ginawa upang sa gayon ay matiyak naman na kakayanin at huwag anurin ng malalakas na current at hampas ng alon ang materyales na kanilang ginamit sa proyekto.

Nabatid na gawa sa dinurog na dolmite boulders mula Cebu ang synthetic white sand na ginamit sa Manila Bay, na ayon sa ilang environment groups ay maaring makaapekto sa natural ecosystem sa lugar.

Iginiit ni Oceana Vice President Gloria Estenzo Ramos na malinaw na nakasaad sa Fisheries Code, Local Government Code at Environmental Impact Assessment System Act, na obligado ang mga ahensya ng pamahalaan na sumailalim muna sa Environmental Impact Study process at Environmental Compliance Certificate bago magpatupad ng anumang proyekto.

Pero ayon kay Antiporda, magkapareho lamang ang content ng sea coral at ginamit na crushed dolmite boulders kaya huwag daw masyadong negatibo ang iba’t ibang environment groups.