-- Advertisements --

Pinalagan ng award-winning actor na si Dennis Trillo ang ilang netizens matapos mag-komento ng insensitibong komento tungkol sa panganau na anak ng misis niyang si Jennylyn Mercado.

Nabatid na nitong Linggo, Hunyo 22, 2025, nag-post si Jennylyn sa kanyang social media ng video ng bonding nila ng kanilang mga anak na sina Alex Jazz at Calix sa isang mall. Si Jazz, 16, ay anak ni Jennylyn sa dati nitong boyfriend na si Patrick Garcia, habang si Calix, 17, ay anak naman ni Dennis sa dati nitong partner na si Carlene Aguilar.

Mababasa sa caption ng post ni Jennylyn ang “Spending the day with my boys, discovering wonders and picking up some cool stuff at the National Geographic store.”

Sa comments section, may ilang netizens ang nagbigay ng hindi magagandang puna tungkol sa kilos ni Jazz. Isa sa mga komento ang nagsabing, “Parang may autism anak ni Jen.” Agad namang tumugon si Dennis sa pamamagitan ng tanong, “May problema po ba kayo sa may autism?”

Isa pang netizen ang nagsabi, “Parang malamya,” na sinagot naman ni Dennis nang matapang na “Wow hiyang-hiya naman ako sa pagmumukha mo.”

Hindi lingid sa publiko na na-diagnose si Jazz na may Autism Spectrum Disorder (ASD), isang neurodevelopmental condition na karaniwang lumilitaw sa maagang edad.

Bagama’t walang lunas, may mga therapy at suporta na makatutulong sa mga apektadong bata.

Dahil sa insidente, tinanggal na ang mga mapanirang komento sa Facebook post ni Jennylyn, ngunit may ilang tagahanga ni Dennis ang nakapag-screenshot at nagpakita ng suporta sa mag-asawa at sa maayos nilang pagpapalaki kay Jazz.

Isa sa mga sumuporta ay nagkomento pa ng “Sa panahon ngayon bakit tinitignan na ng tao kung may diperensya o wala ang isang tao. Hindi ba pwedeng pantay at normal na lang natin tignan, hindi naman siguro kawalan sa inyo na maging mabuting tao.”

Nagpasalamat din ang ilang netizens sa pagmamahal at magandang pagpapalaki ng mag-asawa sa kanilang mga anak.