-- Advertisements --

Nagpasalamat ang actor na si Dennis Trillo sa Diyos matapos makaligtas ang kanyang panganay na anak na si Calix sa isang vehicular accident noong madaling araw ng Lunes, Mayo 25.

Sa isang Facebook post na kalaunan ay binura ng actor ngunit muling ibinahagi ng ilang netizens, ibinahagi ni Dennis na nakatulog umano sa pagmamaneho ang kanyang 18-anyos na anak habang mag-isang bumiyahe bandang alas-5 ng umaga.

“Kaninang 5AM, nakatulog habang nagda-drive mag-isa ‘yung panganay ko. Bumangga siya sa island at tumaob ‘yung kotse,” ayon sa post ng actor.

Dahil sa lakas ng impact, tuluyang nasira ang sasakyan matapos itong tumaob. Sa kabila nito, wala umanong ibang sasakyan o tao na nadamay sa insidente.

Ayon pa sa aktor, nagtamo lamang si Calix ng mga pasa sa ulo at braso, gayundin ng pamamaga sa kaliwang kamay.

Nagpahayag naman ng matinding pasasalamat si Dennis dahil hindi naging mas malala ang nangyari sa kanyang anak.

“Hindi lahat ganito kaswerte sa aksidente. Salamat po at gan’un lang ang nangyari,” aniya.

Ginamit din ng aktor ang insidente upang paalalahanan ang publiko tungkol sa panganib ng pagmamaneho habang inaantok.

“Lesson: pag inaantok, wag piliting mag-drive. Pwedeng mag stop over muna, para mag unat unat o umidlip,” dagdag niya.

Si Calix ay anak ni Dennis Trillo sa dating beauty queen-actress na si Carlene Aguilar. May isa pa siyang anak na si Dylan kasama ang kanyang asawa na si Jennylyn Mercado.

Matatandaang nasangkot din si Calix sa isang vehicular accident noong 2014 kasama ang ilang estudyante matapos mabangga ang kanilang school van sa Quezon City.