-- Advertisements --

Tahasang inilarawan ni US presidential candidate Joe Biden si President Donald Trump bilang toxic at mahinang uri ng pinuno na siyang naging dahilan para sumiklab ang karahasan sa Estados Unidos.

Ito ang naging komento ng pambato ng Democrats para sa 2020 US presidential elections matapos ang maaanghang na patutsada ng isa’t isa hinggil sa mga kilos-protesta na nagaganap sa bansa.

Sa isinagawa nitong talumpati sa Pennsylvania, sinabi ni Biden na ang kasalukuyang hinaharap na mga isyu ng Amerika ay kagagawan umano ni Trump.

Matagal na rin daw binalewala ni Trump ang kahit anong uri ng pamuimuno sa kaniyang nasasakupan. Ito’y dahil wala raw itong magawa upang tigilan ang lumalalang isyu ng karahasan sa US.

Dagdag pa ng dating bise-presidente, kailangan na ng hustisya ng mamamayan ng Amerika at maramdaman ng mga ito na sila’y ligtas sa sarili nilang bansa.

Samantala, lagpas anim na milyon na ang kabuuang bilang ng COVID-19 case sa Amerika batay sa bagong datos na inilabas ng Johns Hopkins University.

Batay dito, pumalo ng isang milyon ang naidagdag sa COVID-19 case ng bansa sa loob lamang ng halos isang buwan at mahigit 183,000 katao na ang namatay.