CAUAYAN CITY – Pinangangambahang nakapasok na rin ang delta variant ng COVID-19 sa Isabela at Cagayan dahil sa bilis ng pagdami ng mga naitatalang kaso ng sakit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), na patuloy ang pagdami ng COVID-19 patients sa pagamutan na sa ngayon ay 181 ang bilang.
Napakabilis aniya ang pagtaas ng kaso kaya maaring may delta variant na sa Cagayan at Isabela.
Nakakaalarma aniya ang nangyayaring ito kaya dapat mag-ingat ng husto ang publiko hinggil dito.
Huwag aniyang maging kampante at sundin ng tama ang mga nakalatag na health protocols.
Ayon kay Baggao, nagsagawa na sila ng pagpupulong sa CVMC para pag-usapan ang lahat ng istratehiya na puwede nilang gawin kabilang na rito ang pagdagdag ng mga isolation rooms at mga kagamitan.
Aniya, ang naitalang isang kaso ng delta variant sa lambak ng Cagayan pangunahin na sa Solano, Nueva Vizcaya ay matagal nang gumaling kaya siguradong marami na siyang nakasalamuha bago pa mapag-alaman na siya ay positibo sa kinakatakutang variant ng COVID-19.