Dalawa pang ka-alyado ni dating house speaker Alan Peter Cayetano ang lalo pang nawalan ng kontrol sa House of Representatives sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco.
Tinanggal bilang vice chairman ng limang House committees si Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor matapos pagbotohan ng mababang kapulungan na ibang mambabatas ang ilagay dito.
Pinalitan si Defensor ni Cavite Rep. Dahlia Loyola para sa Committee on Health, Leyter Rep. Carl Nicolas Cari para sa Committee on Public Information, at Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella para naman sa Committee on Dangerous Drugs.
Nakuha rin mula sa kaniya ang posisyon nito sa Committee of Good Government and Public Accountability kay Siquijor Rep. Jake Vincent Villa, at Special Committee on Strategic Intelligence kay Isabela Rep. Ian Paul Dy.
Una nang tinanggal si Defensor bilang chairperson ng House Committee on Public Accounts kung saan ipinalit sa naturang pwesto si Probinsyano Ako partylist Rep. Jose “Bonito” Singson.
Samantala, inalis din si Camarines Sur Rep Luis Raymund Villafuerte bilang vice chair ng Committee on Public Accounts.
Sa isang pahayag, malugod na tinanggap ni Villafuerte ang kanilang pagkakatanggal mula sa kanilang mga pwesto sa Kamara. Mas magiging dahilan aniya ito upang pagbutihin ng nila ang kanilang tungkulin at ituro kung ano ang nakikita nilang mali sa kampo ni Velasco.
Dahil daw kasi sa ginawa ng mga kaalyado ni Velasco ay pinatunayan ng mga ito kung gaano raw sila kadumi maglaro sa pulitika.
Ipinagtataka rin daw ng mambabatas kung bakit patuloy na sinisibak sa pwesto ang mga ka-alyado ng administrasyon at pagsusulong sa Charter change kung maari naman daw na mag-focus na lamang sa vaccination program at muling pagbangon ng ekonomiya.
Sina Defensor at Villafuerte ay kapwa kasali sa bagong bloc na binuo ni Cayetano na pinangalanang “BTS sa Kongreso.”