-- Advertisements --

Dinepensahan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang P20-billion halaga ng institutional amendments na ipinasok ng Kamara matapos na aprubahan ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) sa ikatlo at huling pagbasa.

Pahayag ito ni Defensor matapos sabihin ni Sen. Panfilo Lacson kamakailan na hindi nasunod ng Kamara ang wastong budget process dahil hindi na raw dapat ipinapasok ng mga kongresista ang anumang amiyenda kapag aprubado na sa third reading ang budget bill.

“I-assume na natin na nagkaroon ng problema sa proseso, but I think in substance, doon sa substansya at itintutulak ng Kongreso, hindi ito masama,” ani Defensor.

Kamakailan lang ay inanunsyo ni House Committee on Appropriations senior vice chairman Joey Sarte Salceda na P20 billion-halaga ng “institutional amendments” ang ipinasok ng small committee base na rin sa mga isinumiteng amiyenda ng mga ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga amiyendang ito ang karagdagang P5.5 billion para sa COVID-19 vaccines; P4 billion para sa Department of Labor and Employment na gagamitin para tulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho; P1.7 billion para sa Department of Education na gagamitin naman sa internet needs sa online classes; P2 billion para sa Department of Interior and Local Government para sa hiring at training ng mga contact tracers; at P2 billion para sa pandemic assistance sa mga apektadong pamilya, at iba pa.