Hindi kampante si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa pahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jinhua na pagmementina lang ng defensive position sa South China Sea ang rason kung bakit muling naglagyag doon ang kanilang mga barko.
Sa isang panayam sinabi ni Esperon na hindi malabong mauwi sa offensive position ang hakbang ng Beijing lalo na’t nakapwesto ang mga barko nito sa pinag-aagawang teritoryo sa Pag-asa Island.
Bilang defense expert, madali na lang daw makakapagpalit ng taktika ang China dahil maaga pa lang ay naka-pwesto na sila doon.
Hindi rin naniniwala ang opisyal na hindi armado ang mga sasakyang pandagat kahit pa mangingisda ang sakay nito.
Kaugnay naman ng pagdaan ng Chinese warships sa Sibutu strait, sabi ni Esperon: “Customarily lahat ng military vessels that pass through our territory ask for diplomatic clearance. We dont have the hit in record that China ask for diplomatic clearance.”
Nauna ng sinabi ni Beijing na right of innocent passage ang kanilang pinagbasehan sa pagdaan sa nasabing teritoryo.
Pero para kay Senior Assoc. Justice Antonio Carpio dapat bumalangkas ng polisiya ang pamahalaan na mag-oobliga sa foreign vessels na i-activate ang kanilang automatic identification system kung dadaan sa teritorrial waters ng Pilipinas.