-- Advertisements --

Itinanggi ng kampo o defense team ni Vice President Sara Duterte ang paratang ng House prosecution panel na ginagaya o kinokopya nila ang listahan ng mga testigo at ebidensya para sa darating na impeachment trial.

Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng kampo ng Bise Presidente, hindi angkop ang terminong “mirroring” o “adopting”.

Paliwanag ni Atty. Poa, halos sabay na nagsumite ang magkabilang panig ng kanilang pre-trial brief sa Senado noong Hunyo 15.

Binigyang-diin din niya na karapatan at prerogatibo ng depensa at ng prosekusyon na piliin ang sinumang testigo o dokumento na nais nilang iharap sa korte.

Para patunayang hindi sila umaasa sa mga dokumento ng prosekusyon, tinanggihan din ng depensa ang hiling ng prosekusyon para sa common marking o iisang pagmamarka ng mga ebidensya at sa halip ay inirekomenda na gawin nang hiwalay ang marking ng mga dokumento upang maging maingat.

Sakali man aniyang maghain ang prosekusyon ng request, mosyon o manifestation kaugnay sa usapin, nakahanda ang depensa na tugunan ito nang naaayon.