Nagsumite ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng panibagong medical records sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa kasalukuyang mental state ng dating Pangulo.
Sa isinumiteng medical record ng depensa, kinukumpirma nito na may “cognitive impairment” ang dating pangulo.
Base sa dokumento, iprinisenta ng defense ang naturang submission kasunod ng ipinadalang email communication sa Pre-trial Chamber noong Hulyo 18 kaugnay sa parehong isyu para ibigay sa Chamber at maitala sa record ng kaso ang bagong medical records na natanggap nila kamakailan.
Ipinaliwanag ng depensa na isinagawa ang naturang evaluation ng isang medical professional, na itinalaga mismo ng medical officer ng ICC Detention Center, na nagkukumpirma sa matagal na umano nilang suspetsa na may cognitive impairment ang dating Pangulo.
Ayon kay lead counsel Nicholas Kaufman, ginawa ang naturang submission nang may urgency dahil sa kaugnayan ng naturang medical records sa isyu kung kaya nga ba talaga o hindi nang dating Pangulo na humarap sa trial.
Ito rin ay kasunod ng dating urgent request para suspendihin ang paghatol sa interim release hanggang sa lahat ng medical records kabilang ang neuropsychological evaluation ay naisumite sa korte.
Samantala, bunsod ng lumabas na findings, sinabi ng depensa na ang cognitive impairment ng dating Pangulo ay sapat na basehan para isagawa ang paglilitis sa naturang usapin bago ipagpatuloy ang confirmation hearing.
Pormal na ipinasok ang naturang mga dokumento sa case record kahapon, Setyembre 29.
















