Nagkaroon ng bahagyang tensyon sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos kuwestiyunin ng kampo ng depensa ang testimonya ng isang testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa pagdinig noong Martes, tinanong ng prosecution si NBI Cybercrime Investigation Unit Senior Agent John Mark Calilung tungkol sa isang screenshot at printout ng pahayag ng Armed Forces of the Philippines.
Kinumpirma ng testigo na magkapareho ang nilalaman ng dalawang dokumento.
Ngunit umapela ang defense counsel na si Atty. Carlo Narvasa at kinuwestiyon kung paano ito natitiyak ng testigo gayong nasa panig na umano ng depensa ang printout ng dokumento. Sinabi pa ni Narvasa na tila sumusunod lamang sa isang script ang testigo.
Agad namang tumutol ang prosecution. Hiniling ni House prosecutor Atty. Virgil Ligutan na alisin sa record ang naturang pahayag at iginiit na sinuri muna ng testigo ang dokumento bago ito ibinigay sa kampo ng depensa.
“Oh my goodness, Your Honor please! I move that the statement by the Defense that the witness is following a script be stricken out of record,” ani Ligutan.
“For the record, the witness was perusing the document before he handed that to the Defense,” dagdag niya.
Patuloy namang iniharap ng prosecution ang mga ebidensyang may kaugnayan sa ikaapat na articles of impeachment, kabilang ang mga video clip ng umano’y mga pahayag ni Vice President Duterte na naglalaman ng mga pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
















