Tiniyak ng Defense Department na prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Taiwan sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng naturang bansa at ng China.
Ito ang inihayag ni DND Officer in Charge Sr. Undersecretary Jose Faustino Jr. sa joint press confernce, matapos ang pagpupulong nila ni US Secretary of Defense Lloyd Austin III.
Ayon sa kalihim, nag-aalala ang Pilipinas sa mga kaganapang panseguridad sa Taiwan strait na malapit lang sa Pilipinas.
Dahil dito, tuloy tuloy aniya ang pag-update ng pamahalaan sa mga contingency plan para sa tinatayang 130 hanggang 150 libo ang mga OFW sa Taiwan, kung mauwi sa hindi kanais nais ang iringan ng China at Taiwan.
Mahalaga din aniya na update at maipatupad ang PH-US mutual defense concept plan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) base sa nagbabagong situasyon sa rehiyon.
Sinabi ni Faustino na bagama’t tumatalima ang Pilipinas sa “one China” policy, nananawagan ang pamahalaan sa dalawang bansa na mag-exercise ng restraint at diplomasya, at idaan sa dialogo ang hindi pagkakaintindihan upang mapanatili ang kapayapaan.