Tumangging magbigay ng komento si Defense Secrerary Delfin Lorenzana kaugnay sa posibleng pag-uusap nina Pangulong Rodrigo Duterte at ng dalawang komunistang negotiator na sina Fidel Agcaoili at Luis Jalandoni.

Sa mensahe ng kalihim, kaniyang sinabi na kanilang nirerespeto ang naging desisyon ng Pangulo dahil kaniya itong prerogative at hindi na kailangan pang konsultahin sila ukol dito.

Una nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na hindi sila mag-aalinlangan na arestuhin ang dalawang NDFP negotiators kapag may warrant of arrest ang mga ito.

Hindi naman masabi ng AFP at PNP kung may existing warrant of arrest sina Agcaoili at Jalandoni.

Sa susunod na buwan nakatakda umanong dumating sa bansa ang dalawa.

Sa panig naman ng Presidential Adviser on the Peace Process kanilang wini-welcome ang nasabing pagpupulong.

Sa kabilang dako, tiniyak ni Department of Interior and Local Governmment (DILG) Secretary Eduardo Año na ipagpapatuloy pa rin ng PNP ang pagtugis sa mga wanted na komunista.

Ito ay kahit nakatakdang makipag-usap ang Pangulo kina Agcaoili at Jalandoni.

Paliwanag ni Año na ang gagawing pag-uusap ng Pangulo sa dalawang consultants ng CPP-NPA-NDF ay mayroon ng napagkasunduan sa pagitan ng dalawang panig.

Kaya walang dahilan para itigil ang opensiba ng PNP kahit ng militar laban sa mga komunistang grupo.

Giit ni Año, nais din malaman ng Pangulo ang dahilan kung bakit nais siyang kausapin ng dalawang communist leaders.