Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagkausap na sila ng Chinese Ambassador Liu Jianchao at sinabi sa kaniya na ang mga Chinese vessels na namataan sa Julian Felipe Reef ay parte lamang sa mga libu-libong fishing boats ng China na nasa West Philippine Sea.
Ayon kay Lorenzana, iginigiit ng Chinese Ambassador to the Philippines na ang mga namataang barko ay mga fishing boats ay sumilong lamang sa lugar dahil sa masamang panahon.
Binigyang-diin ng kalihim na hindi sila naniniwala sa pahayag ng Chinese Ambassador dahil sa mga ganitong sitwasyon ay maganda ang panahon at mapayapa ang dagat at walang malalaking alon.
Sa katunayan, ito rin ang panahon para ipagpatuloy nila ang ginagawang construction ng airstrip sa Pagasa island dahil nakakapagpadala sila ng mga materyales doon.
Sa ngayon hindi pa matiyak ng defense department at Armed Forces of the Philippines kung talagang mga Chinese fishing boats ang mga namataan sa reef.
Muling nanawagan si Lorenzana sa China na paalisin na sa lugar ang kanilang barko dahil nakakaalarma ito.
Naniniwala ang kalihim na may ibang dahilan ang China kung bakit hanggang sa ngayon ayaw pa rin umalis ng mga Chinese maritime militia vessels sa Julian Felipe Reef ito ay sa kabila ng kaniyang panawagan na umalis na ang mga ito at ang inihaing diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs (DFA).