Inaasahang babagsak ang debris mula sa ilulunsad na rocket ng People’s Republic of China malapit sa Ilocos Norte at Cagayan.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Center (NDRRMC), maglulunsad ang China ng Long March 7A (CZ-7A) mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Wenchang, Hainan posible sa Nobyembre 3 hanggang 4.
Sinabi pa ng ahensiya, ang natukoy na drop zone ng pagbabagsakan ng parte ng rocket ay tinatayang nasa 47 nautical miles mula sa Burgos sa Ilocos Norte at 37 nautical miles naman mula sa Sta. Ana sa Cagayan.
Subalit sa advisory ng ahensiya, sinabi nito na mababa ang posibleng panganib ng untoward incidents at pinsala mula sa pagbagsak ng rocket debris sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa kabila nito, inirekomenda ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang pag-iingat sa air at marine access mula Nobiyembre 3 hanggang 4.
Inirekomenda naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang patuloy na pagpapatupad ng no-fly zones sa mga apektadong lugar sa nasabing petsa.
Inabisuhan din ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at National Mapping and Resource Information Authority na pansamantalang magpatupad ng restrictions sa natukoy na pagbabagsakan ng rocket debris.
Para matiyak din ang kaligtasan ng publiko, inabisuhan din ang nasabing mga ahensya na mag-isyu ng notice to mariners, coastal navigational warnings o NAVAREA XI warnings, na isang notice para sa mga marino ana naglalayag sa karagatan hangga’t maaari.
Sakali man aniyang magkaroon ng contact sa debris ng rocket, dapat na magsuot ng personal protective equipment at agad na ipaalam sa lokal na awtoridad ang anumang suspected debris na mamataan sa karagatan o kalupaan.