Idineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang barko nito at isang aircraft sa Rozul reef sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay bilang tugon sa napaulat na iligal na kumpulan ng mga barko ng Chinese Maritime Militia (CMM) sa lugar.
Pagdating ng mga asset ng PCG sa bahura, nakumpirma ang presensiya ng mahigit 50 CMM vessels na parehong nagkukumpulan at kalat-kalat.
Agad naman na inisyuhan ng radio challenge ng PCG vessels at aircraft ang mga CMM vessel para ipaalam sa mga ito na nago-operate sila sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa tinatayang 130 nautical miles ng baybayin ng Palawan.
Dito, binigyang diin ng PCG ang irregular patterns ng galaw ng mga Chinese militia sa kanilang mga aktibidad ng pag-angkla at kumpulan sa lugar, na paglabag sa mga prinsipyo ng kalayaan ng paglalayag at paglabag sa sovereign rights ng Pilipinas sa sarili nitong EEZ.
Inatasan din ang mga CMM vessels na linawin ang kanilang intensiyon, itigil ang kanilang pagkukumpulan at maglayag alinsunod sa Philippine Maritime Zones Act, UN Convention in the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Subalit sa kabila nito, walang natanggap na tugon ang panig ng PH mula sa CMM vessels.
Para naman wastong maidokumento ang sitwasyon, nagdeploy ang PCG ng kanilang rigid hull inflatable boats para lapitan ang mga barko ng CMM sa mababaw na katubigan ng Rozul Reef at inirekord ang bow numbers ng mga ito.
Sa isang statement, sinabi ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na nananatiling committed ang PCG sa pagprotekta sa maritime jurisdiction ng bansa sa West Philippine Sea.
Patuloy din aniya ang kanilang pagbabantay at pagtugon sa anumang hindi awtorisadong aktibidad sa loob ng EEZ salig sa polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi isusuko kahit isang pulgada ng ating teritoryo sa alinmang dayuhan.