-- Advertisements --

Tiniyak ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano na magkakaroon ng malalimang debate sa mga issues at panukala na makabuluhan sa publiko.

Sa kanyang meeting sa ilang mga kongresista na miyembro ng ruling PDP-Laban party, sinabi ni Cayetano, ang napili ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging Speaker sa 18th Congress, na magkakaroon sila ng ground rules upang sa gayon ay mapanatili ang tiwala ng publiko sa Kamara.

“I do not mind debate. In fact, I will be talking to Martin [Romualdez] over the next few days and whoever comes up to be Minority Leader, we want full debates,” ani Cayetano.

Magugunitang inulan ng batikos ang Kamara sa 17th Congress dahil sa tila pag-railroad o pagmamadaling ipasa ang ilang mga panukalang batas na bahagi ng legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte, lalo na iyong mga kontrobersiyal.

Kabilang na rito ay ang Rice Tariffication Act, ang approval ng draft federal charter, at extension ng martial law sa buong Mindanao.

Pero ayon kay Cayetano, nais na niyang maiwasan pang mangyari ito.