-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umakyat na sa pito ang mga binawian ng buhay sa itinuturing na “Friday the 13th Accident” sa National Highway, Brgy Poblacion, Tacurong City.

Ito’y matapos na pumanaw habang ginagamot sa isang ospital si Najib Mamusaka, 5-anyos, residente ng Brgy Uhaw, General Santos City.

Sa ekklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tacurong City Disaster Risk Reduction and Management Officer Rodrigo Jamorabon, hindi na umano nakayanan ng biktima ang mga malalang sugat na natamo nito sa nasabing aksidente.

Ayon kay Jamorabon, nakikipag-ugnayan na sila sa mga pamilya ng mga biktima para sa mga tulong na ibibigay ng LGU Tacurong.

Napag-alaman na ang ikapitong namatay na biktima ay miyembro ng pamilya Mamusaka kung saan ang ina nito at limang mga kapatid ay nauna nang binawian ng buhay dahil sa sobrang lakas ng pagkakabangga ng SUV sa kanilang sinasakyang tricycle.

Samantala, nasa kritikal umanong sitwasyon sa ngayon ang kanilang padre de pamilya na si Nasser Mamusaka, 33, tricycle driver at ang isa pa nitong anak na si Aipa, dalawang taong gulang, at patuloy na inoobserbahan sa St. Louis Hospital.

Agad namang inilibing ang mga biktima base na rin sa tradisyong Islam.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Jamorabon ang mga motorista na huwag nang magmaneho kung nakainom upang maiwasan ang aksidente.