Umakyat na sa 27 ang bilang ng mga nasawi bunsod ng patuloy na epekto ng habagat.
Sa isang press briefing ngayong Lunes, kinumpirma ni PNP spokesperson PCol. Allen Rae Co na 26 sa mga nasawi ay sibilyan habang ang isa ay PNP personnel.
Iniulat din ng PNP officer na mayroon pang dalawang indibidwal ang nawawala habang 18 katao na ang napaulat na nagtamo ng injuries base sa datos nitong umaga ng Lunes, Agosto 17.
Nakatakda namang magbigay ng buong detalye ang pambansang pulisya kaugnay ng mga nasawi kung saan at ano ang dahilan ng kanilang pagkasawi.
Samantala, patuloy ang pag-asiste ng PNP sa disaster response kasabay ng pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa mga lugar na apektado ng mabibigat na pag-ulan.
Base naman sa datos mula sa Office of the Civil Defense (OCD) ngayong Lunes, mahigit limang milyong katao ang apektado ng pinagsamang epekto ng kamakailang mga bagyo na sumalanta sa bansa at habagat.
Naitala ang mga apektadong pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at Mimaropa.
















