Umakyat na sa 15 ang napaulat na nasawi dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao region bunsod ng shear line base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong linggo.
Ito ay kasunod ng pagkakarekober sa labi ng isa pang biktima sa landslide dulot ng mga pag-ulan na tumama sa mga bayan ng Monkayo at Maragusan.
Habang 2 pa ang napaulat na nasawi sa Davao city. Sa kabuuang bilang ng napaulat na nasawi, 8 dito ang naberipika na ng disaster management officials.
Nasa 5 katao naman ang napaulat na nagtamo ng injuries dahil sa epekto ng masamang lagay ng panahon.
Samantala, aabot sa 349,000 indibidwal sa Davao region ang apektado ng matinding pag-ulan kung saan mahigit 3,600 pamilya ang napilitang lumikas sa evacuation centers.
Sa kasalukuyan, nakasailalim sa state of calamity ang mga lokal na pamahalaan ng Davao del Norte at Davao de Oro.















