-- Advertisements --

Nakahanda si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magbigay daan sa ibang death penalty bill proponents, para lamang ganap na itong maipasa sa mataas na kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Dela Rosa sa panayam ng Bombo Radyo, mula sa kaniyang orihinal na bill na magpapataw lamang ng bitay sa mga malalaking drug related cases, payag din siyang gawing mas malawak pa ang sakop nito.

Ilan kasing kapwa niya senador ang nais na maisama ang lahat ng karumal-dumal na krimen sa mga papatawan ng capital punishment, katulad na lamang ng kaso ng pulis na namaril sa Tarlac.

Nais kasi ni Dela Rosa na maipataw ang mabigat na parusa kay P/SSgt. Jonel Nuezca at sa iba pang law enforcer na lumalabag mismo sa batas.

Target ng opisyal na maaisalang sa hearing at approval ng Senado ang death penalty revival sa unang bahagi ng 2021 o sa pagbabalik ng mga senador sa kanilang sesyon.