Kinontra ni incoming Mamamayang Liberal o ML Party-list Rep. Leila de Lima ang pahayag ni Vice Pres. Sara Duterte na “persecution at crucifixion” o pang-aapi at pagpako sa krus ang kinakaharap niyang impeachment case.
Sinabi ni De Lima, na tatayong miyembro ng House Prosecution Team sa 20th Congress may basehan ang lahat ng Articles of Impeachment laban sa bise presidente.
Giit pa ni De Lima, hindi imbento ang mga kaso laban kay VP Duterte.
Hindi aniya gaya ng ginawa sa kanya ng nakalipas na Duterte administration na sinampahan ng kung ano-anong asunto, at inipit.
Ayon kay De Lima ang importante sa ngayon ay sagutin ng bise presidente ang mga alegasyon laban sa kanya, at ipaliwanag ang mga ebidensyang lumutang noong pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.