Naniniwala ang Golden Boy CEO at boxing legend na si Oscar De La Hoya na bago matapos ang 12 round ay pababagsakin ni Canelo Alvarez si Julio Cesar Chavez Jr.

Ayon kay De La Hoya na siyang promoter din ni Alvarez, maaaring matulog si Chavez sa 10nth o kaya pagsapit ng 11th round.

Naniniwala si Dela Hoya na malaki ang nakataya sa nasabing laban.

Liban sa personalan na isyu para sa kanyang alaga, malalim din ang namamagitang “pride” sa bawat isa.

Ito umano ang nagpapadagdag sa motibasyon sa dalawang mahigpit na magkaribal at magkababayan.

Kaya naman para sa raw sa mga fans, masusulit ng husto ang kanilang pag-aabang dahil inaasahan niyang mapupuno ng aksiyon ang pagtutuos ng dalawa sa darating na Linggo na gaganapin sa T-Mobile Arena sa Las Vegas.

Ang 26-anyos na si Canelo ay target ang “spectacular” knockout na gusto niyang ipamalas.

Batay sa boxing record ng kampeon na si Alvarez, umaabot na sa 34 na kalaban ang kanyang pinagbagsak mula sa kanyang natipong 48 panalo.

Nitong araw ay ginanap ang huling press conference, kung saan kapansin pansin na todong naka-jacket at jogging pants pa si Chavez  (50-2-1, 32 KOs, 1 NC)  habang kasama ang kanyang ama at boxing legend na si Julio Cesar Chavez, Sr.

Kung maalala kinailangan ni Chavez Jr. na magbawas ng malaki ng timbang upang maabot ang catch-weight na 164.5 pounds.