Nagbigay ng babala si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa publiko hinggil sa mga mapanlinlang na gawain ng mga scammer.
Nabatid na ang mga indibidwal na ito ay nagkukunwaring mga empleyado ng DBM upang makapanloko at humingi ng pera mula sa mga biktima.
Ayon sa pahayag ng DBM, mayroong mga taong nagpapakilala sa mga pangalang Mariz Luna at Lilian Jordan na aktibong nangangako ng malaking bahagi mula sa isang bilyong pisong gantimpala na diumano’y nagmula sa Bureau of Customs (BOC).
Bilang kapalit ng pangakong ito, hinihingi nila ang halagang 10 milyong piso bilang advance payment mula sa kanilang mga target.
Mariing itinanggi ni Secretary Pangandaman ang anumang katotohanan sa likod ng sinasabing halaga . Dagdag pa niya, walang sinumang empleyado sa DBM na nagtatrabaho sa ilalim ng mga pangalang Mariz Luna o Lilian Jordan.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang DBM sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang masusing imbestigahan ang naturang scam at matukoy ang mga responsable sa likod nito.
Layunin ng imbestigasyon na mahuli ang mga scammer at mapanagot sila sa kanilang mga ilegal na gawain.