COVID honesty talipapa abra 2

BAGUIO CITY – Kasabay ng nagpapatuloy na “enhanced community quarantine” sa buong Luzon dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), binuksan na ang tinaguriang Honesty Store sa loob ng Abra Police Provincial Office (PPO) sa Camp Juan Villamor, Bangued.

Ayon kay P/Col. Alfredo Dangani, provincial director ng Abra PPO, sa pamamagitan ng Honesty Store ay makakatulong ito para hindi na makadagdag sa kasikipan sa mga merkado at groceries doon.

Maipapakita pa aniya rito ang katapatan ng mga tauhan ng Abra PPO kung saan ilalagay lamang ng mga bibili ang kanilang bayad sa designated payment box.

Binubuksan ang nasabing store tuwing Martes at Huwebes kung saan puwede rin naman ibenta ng mga Abra PPO personnel ang kanilang local agricultural products.

Sinabi pa ni Dangani na makakatulong ang proyekto para maibenta ang produkto ng mga magsasaka roon.

Una rito, naging hakbang ng Abra provincial government na bilhin ang mga local products ng mga magsasaka at mangingisda doon at ang mga ito ang kanilang ipinapamahagi bilang relief goods sa mga mamamayan ng Abra.