Kinukonsidera ng Department of Health (DOH) ang Davao, Western Visayas, at Cordillera regions bilang high-risk areas para sa COVID-19 dahil sa kanilang mataas na average daily attack rate (ADAR) at intensive care unit (ICU) occupancy rate.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, ang ADAR sa tatlong rehiyon na ito ay mataas kumpara sa pitong kaso kada 100,000 katao habang ang ICU utilization naman ay nasa 81.41% sa Region 11, 87.34% sa Region 6, at 68.54% sa Cordillera hanggang noong Hulyo 10.
Ang buong Pilipinas naman ay nanatiling low-risk area na mayroong ADAR na 4.88 cases kada 100,000 population at dalawang-linggong case growth rate na -10%.
Ang average daily new infections ay bumaba naman sa 5,221 noong Hulyo 6 hanggang 12 mula 5,458 noong Hunyo 29 hanggang Hulyo 5.
Sinabi ni De Guzman na ang COVID-19 cases sa NCR Plus ay nag-plateau na habang ang infections naman ay bahagyang tumataas sa nalalabing bahagi ng Luzon at unti-unting bumababa sa Visayas at Mindanao kasunod ng naitalang spike sa mga kaso.
Samantala, sinabi ni De Guzman na ang downard COVID-19 case trend sa pitong lungsod sa Metro Manila ay bumaligtad na matapos na makapagposte ng positive two-week case growth rates.