-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga bangkay matapos ang magnitude 6.9 na lindol nitong Linggo sa ilang bahagi ng Mindanao.

Sa itinuloy retrieval operation kagabi, narekober ang isa pang bangkay sa gumuhong South Green Marketing sa Padada, Davao del Sur, na positibong kinilala ng kanyang kamag-anak bilang si Emily Beloy.

Kung maaalala, nagawa pang makapag-text ni Emily na naipit siya sa ilalim ng gumuhong gusali ngunit nawala rin ang contact nito matapos ma-low bat ang cellphone.

Ngayong araw, ipagpapatuloy ang paghahanap sa anim pang nawawala matapos na-trap din sa gumuhong gusali.

Sa kasalukuyan, pito na ang naitalang patay sa panibagong malakas na lindol.

Samantala, minomonitor ng Office of Civil Defense (OCD)-Davao Region ang liquefactions o paglabas ng mga likido sa ilalim ng lupa sa mga barangay sa Hagonoy, Davao del Sur.

Ayon kay Franz Irag, OCD-Davao operations officer, walang dapat na ipag-alala dahil normal lamang ito lalo na kung may malakas na lindol at kung dating matubig ang isang lugar.

Base sa report ng Davao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMC), ang liquefactions ay naitala sa mga lugar ng Barangay Aplaya, Balutakay, Leling, coastal area sa Guihing, Poligue, Poblacion, Sinayawan, San Isidro, Sacub, Kibuaya, Lapulabao na parehong nasa Hagonoy, Davao del Sur.

Hindi naman daw ito maikokonsiderang volcanic activity na nagiging dahilan ng isang volcanic eruption.