Mahaharap sa mga military charges si dating Presidential security group Chief Brigadier General Jesus Durante III at gayundin ang kaniyang Deputy na si Col. Michael Licyayo dahil sa pagkakadawit ng mga ito sa pagpatay sa Davao Model at businesswoman na si Yvonette Chua Plaza.
Ito ay sa gitna pa rin ng nagpapatuloy na pre-trial investigation ng mga kinauukulan hinggil sa naturang kaso.
Ayon kay Philippine Army Chief Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. kasalukuyan nang ini-evaluate ng provost marshal at judge advocate ng army ang mga isinumiteng counter affidavit ng dalawa matapos silang mabigyan ng kopya ng naturang mga charges.
Aniya, paglabag sa Article 96 o ang “Conduct unbecoming an officer and a gentleman” at Article 97 o ang “Conduct prejudicial to good order and military discipline” ng articles of war ang mga kasong kahaharapin nila ngunit posible pa aniyang madagdagan pa ang mga ito depende sa magiging resulta ng isinasagawa nilang pre-trial investigation.
Kung maaalala, una nang tinukoy ng pulisya ang pagkakadawit ng pangalan ni Durante bilang mastermind umano sa likod ng pagpatay kay Plaza.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa kustodiya ng philippine army sina Durante at Licyayo habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang kaso.