Walang ligtas sa imbestigasyon sa kaso ng pekeng drug buy-bust operation, pagtatanim ng ebidensya at pagkawala ng 990 kilos na hinihinalang shabu noong 2022 sa Tondo Maynila na kinasasangkutan ng mga pulis.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, kahit si dating PNP Chief Rodolfo Azurin na namumuno sa kapulisan noong taong iyon ay kasabay sa mga iimbestigahan.
Ayon kay Remulla, may posibilidad na nagkaroon kase ng sabwatan sa mga pulis na sangkot kabilang na rin dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr na dating kawani ng PNP Drug Enforcement Group.
Una nang iniulat na ipinag-utos na ng korte na arestuhin na ang nasa 29 na pulis na kinabibilangan ng 2 heneral. Mahaharap ang mga ito sa patong-patong na kaso.
Sinabi rin ni Remulla na may inihahanda pang kaso ang DOJ sa mga ito na non-bailable.
Ayon kay Remulla, tiniyak daw sa kaniya ni PNP Chief PGen Rommel Francisco Marbil na within this week ay mahuhuli lahat ng may warrant of arrest.
Samantala, mariin ang panawagan ni Remulla sa mga kapulisan na sundin ang kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang mamamayang pilipino.
Nangako ang DILG Secretary na hindi na magiging kapareho noong nakaraang administrasyon ang kalakaran ngayon sa kampanya kontra ilegal na droga.
Ngayon, wala raw mangyayaring extra judicial killings, mga inosenteng nadadamay, pagtatanim ng ebidensya at reward para sa promotion.