Muling inilipat si dating Pangulong Joseph Estrada sa kanyang regular na silid sa ospital habang nagpapagaling matapos tamaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa medical bulletin number 12 ni Estrada, sinabi ni dating Senador Jinggoy Estrada na balik na sa regular na kuwarto sa ospital ang kanilang ama.
Patuloy naman daw ang pagbuti ng kalagayan ng kanyang amang tinamaan ng nakamamatay na virus.
Ayon kay Jinggoy, wala nang lagnat ang ama at binabaan na rin ang oxygen support nito.
Dagdag pa ng nakababatang Estrada, nagsimula na rin ang mga doktor ng dating pangulo sa pulmonary rehabilitation nito para sa mas mabilis na recovery ng kanyang baga.
Kahapon, kasabay ng ika-84 na kaarawan ng dating pangulo, ibinalita rin ng pamilya nitong patuloy din ang pagbuti ng white blood cell count nito, indikasyon na maganda ang tugon nito sa kanyang gamutan.
Mas mabuti na rin ang kidney function ng dating pangulo.
Ito na ang ika-23 araw sa ospital ng dating pangulo.
Kasabay ng patuloy na pag-apela ng panalangin sa publiko, umaasa ang pamilya Estrada na magtutuloy-tuloy na ang paggaling ng dating pangulo.