-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nalulungkot si dating IBP President Domingo Cayosa na na-veto ang SIM Card Registration bill dahil maganda ang layunin nito na masugpo ang mga trolls na bayaran at mga fake news at maging responsable ang mga mamamayan na gagamit ng internet at social media.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Cayosa na umaasa siya na gagawa pa rin ng hakbang ang kongreso dahil nakasaad sa saligang batas na puwedeng i-override ang pag-veto ng pangulo sa pamamagitan ng 2 thirds vote.

Sinabi ni Atty. Cayosa na nauunawaan niya ang concern ng pangulo hinggil sa insertion ng isang senador ngunit ang dapat na mangibabaw ay ang pangkalahatang interes ng sambayanang Pilipino para sa katotohanan at para sa responsableng paggamit ng social media.

Naglipana aniya ang mga fake accounts at mga trolls na bayaran.

Iginiit ng manananggol na ang right to privacy ay napapangalagaan sa pamamagitan saligang batas ngunit hindi kasali dito ang paghahasik ng kasinungalingan at mga pekeng accounts kaya walang napapanagot.