-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Inihayag ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. na nakikipag-ugnayan na siya sa pamilya ng dating mambabatas na si Elizaldy “Zaldy” Co.

Ito ay matapos ianunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos na natapos na ang pagtatago ni Co matapos siyang maaresto ng mga awtoridad sa Czech Republic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sinabi ni Garbin na wala pa siyang natatanggap na konkretong impormasyon mula sa pamilya tungkol sa kalagayan at status ng dating kongresista.

Aniya, maraming dapat isiwalat si Co, lalo na kung bibigyan siya ng tamang proseso sa ilalim ng batas.

Umaasa rin si Garbin na makapagsasalita si Co hinggil sa mga umano’y maanomalyang proyekto sa flood control sa kabila ng tensyon sa politika.

Dagdag pa niya, nais niyang makausap ang pamilya ni Co upang malaman kung siya ay naaresto, nakakulong, o gagamit ng legal na paraan upang hindi makauwi.

Tiniyak ni Garbin na mapapatunayan ni Co ang mga pahayag na inilabas nito sa mga naunang video.

Umaasa rin siya na ibibigay ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang seguridad upang makadalo si Co sa mga legal na paglilitis at mailantad ang katotohanan.