-- Advertisements --

Nanawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima na palakasin at palawakin ang service contracting program para sa pampublikong transportasyon upang mabigyan ng mas matatag na kita ang mga tsuper at mas maaasahang serbisyo para sa mga mananakay sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Sa kanyang House Resolution No. 913, hinikayat niya ang DILG, DOTr, at LTFRB na masusing pag-aralan ang programa at tugunan ang mga kakulangan sa implementasyon, gayundin ang pagtiyak ng malawak na partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng transportasyon.

Giit ni De Lima, “Sa laki ng itinaas ng presyo ng krudo, marami na ang tumigil sa pamamasada dahil abono lang ang aabutin nila… Pasang-krus talaga itong gumagrabe pang krisis sa presyo ng langis.”

Binanggit din niya na kahit doble na ang itinaas ng presyo ng diesel, sinuspinde pa ng Pangulo ang fare hike at limitado lamang ang natanggap na ayuda ng mga tsuper.

Sa ilalim ng service contracting program, binabayaran ang mga tsuper batay sa kilometrong tinakbo at performance incentives, na nagbibigay ng tiyak na kita kahit kaunti ang pasahero, at nakakatulong pa sa pagbawas ng demand sa krudo dahil hinihikayat ang paggamit ng pampublikong transportasyon.

Gayunpaman, may mga hamon pa rin gaya ng pagtutol ng ilang operator, isyu sa pamasahe, at limitasyon sa institusyon, kaya’t iginiit ni De Lima ang pangangailangan ng komprehensibong suporta sa polisiya.

Bukod sa HR 913, naghain din siya ng HR 914 para imbestigahan ang biglaang pagtaas ng presyo ng diesel at HR 915 para suriin ang epekto ng krudo sa mga tsuper at operator upang makapagpatupad ng makatarungang fare increase.

Dagdag pa niya, dapat ding isaalang-alang ng pamahalaan ang suspensyon ng VAT sa produktong petrolyo, rebisyon sa oil deregulation law, at regular na subsidyo para sa mga magsasaka, mangingisda, PUV drivers, at iba pang mababang kita na sektor.