Nanawagan ang Tingog Party-list ng agarang pagbibigay ng target na fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisda upang mapanatili ang suplay ng pagkain sa bansa.
Ayon sa grupo, patuloy na pinapahirapan ng pagtaas ng presyo ng krudo ang sektor ng agrikultura at pangingisda, lalo na ang maliliit na prodyuser na hirap sumalo ng dagdag-gastos sa produksyon.
Binigyang-diin ng Tingog PL na malaking bahagi ng gastos ng mangingisda ang fuel, kaya’t naapektuhan ang kanilang operasyon at kabuhayan.
Kapag bumagal ang produksyon, posibleng magdulot ito ng kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo ng pagkain.
Iginiit ng Tingog na ang fuel subsidy ay hindi lamang tulong kundi mahalagang hakbang upang mapanatili ang produksyon ng pagkain.
Dapat anila itong maipamahagi nang maayos, limitado sa panahon, at nakatuon sa maliliit na magsasaka at mangingisda.















