-- Advertisements --

Iginiit ng House prosecution panel na dapat nang matuldukan ang argumento ng depensa na isa umanong “fishing expedition” ang kanilang hiling na ma-subpoena ang bank at tax records ni Vice President Sara Duterte matapos itong aprobahan ng Senate impeachment court.

Ayon kina private prosecutor Benjamin Tolosa Jr. at House prosecutor Akbayan Rep. Chel Diokno, maituturing lamang na fishing expedition kung naghahanap ng ebidensya nang walang tiyak na batayan at umaasang may makikitang makapagpapabigat sa akusado. Anila, mula pa lamang sa simula ay malinaw na kung anong mga dokumento ang kanilang hinihingi at kung bakit ito mahalaga sa kaso.

Sinabi ni Tolosa na partikular nilang tinukoy ang mga bank account na nais nilang masuri, kabilang ang account numbers at mga sangkot na bangko, kaya hindi ito maituturing na paghahanap lamang ng posibleng ebidensya. Dagdag naman ni Diokno, ang fishing expedition ay nangyayari lamang kapag humihiling ng subpoena “on the off chance” na may makitang ebidensya.

Ayon sa prosecution, nakabatay ang kanilang kahilingan sa mga dokumento at testimonya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na iniharap sa pagdinig ng House Committee on Justice, kabilang ang ulat na umabot sa P6.7 bilyon ang mga transaksyong dumaan sa bank accounts ni Vice President Duterte. (report by Bombo Jai)