Nagpahayag ng suporta ang dating kalihim ng Department of Finance (DOF) na si Margarito ”Gary” Teves sa panukalang amyendahan ang restrictive economic provision ng 1987 constitution.
Ang isa sa mga limitasyong ito na ibinigay ng Konstitusyon ay nakikita sa mga foreign equity ownership na itinuturing ni Teves na “pinakamahigpit” sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Region.
Ayon sa dating opisyal, kailangang alisin na ang mga ito sa kasalukuyang konstitusyon.
Paliwanag pa nito na ang Pilipinas lamang ang Nag-iisang bansa sa buong mundo na may restrictions sa konstitusyon.
Binanggit niya na ang kalapit na Vietnam ay gumawa ng malaking liberalisasyon, na nagresulta sa pagiging “pinakamababang paghihigpit” sa rehiyon. Samantala, ang Pilipinas ay nasa pangatlo sa bilang ng mga paghihigpit, nahuhuli lamang sa hidwaan ng Palestine state at Libya.
Nakikita ng beteranong policymaker na ang mga paghihigpit sa konstitusyon ay mahalaga sa sektor ng ekonomiya gaya ng agrikultura, pagmimina, konstruksiyon, transportasyon, media, at telekomunikasyon.
Gayunpaman, idiniin niya na hindi lahat ng paghihigpit sa ekonomiya ng bansa ay nasa Konstitusyon.
Ang mga isyu na may kaugnayan sa kadalian sa pagnenegosyo, red tape, katiwalian, imprastraktura, logistik, at gastos sa kuryente ay kabilang sa mga dahilan kung bakit pinipili ng ilang dayuhang mamumuhunan na huwag mamuhunan sa bansa—na sa huli ay humahadlang sa capital flow.
Ang mas kaunting kapital ay nangangahulugan ng mas kaunting pagkakataon para sa karagdagang pag-unlad.