-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dinakip ang isang dating kadre ng New Peoples Army o NPA na dati ng sumuko dahil sa mga nakabinbing kaso sa lalawigan ng Quirino.

Ang akusado ay si Antonio Cortez o Ka Intoy, 51 anyos, may asawa, dating rebelde, tubong Cagayan at nakapangasawa sa Villa Norte, Maddela, Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCaptain William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station na noong November 25, 2020 inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Bonifacio Ong ng RTC Branch 24 sa Echague, Isabela dahil sa kasong frustrated murder na may piyansang P200,000.00 .

Pagkatapos nito ay may isinilbi na warrant of arrest ang City of Ilagan Police Station na may kasong multiple murder at frustrated murder gayundin ang Echague Police Station dahil naman sa kasong murder.

Sa kanilang himpilan ay isinilbi rin nila ang warrant of arrest laban kay Cortez na may kasong arson at walang piyansa at robbery na may P100,000.00 na piyansa.

Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng Aglipay Police Station ang akusado.

Ayon kay PCapt. Agpalza, 32 taon ang pamamalagi ni Cortez sa kilusang rebelde.

Sa kabila naman ng mga kinakaharap nitong kaso ay nilalakad pa rin ng mga pulis ang kanyang makukuhang benepisyo sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).