-- Advertisements --

Dumulong na sa Korte Suprema si Jessica Lucila “Gigi” Reyes para kuwestiyunin ang kanilang anim na taong pagkakakulong dahil sa plunder charges.

Ayon kay Reyes, ang pagkakakulong daw nito ng mahabang panahon ay paglabag sa karapatan nito sa due process at mabilisang trial. 

Kasama ang dating solicitor general na si Estelito Mendoza, naghain ng writ of habeas corpus si Reyes, na dating chief of staff ni dating Senate president Juan Ponce Enrile.

Ang writ of habeas corpus ay inihahain sa mga kasong may kinalaman sa illegal detention.

Sinabi ni Reyes na anim na taon at pitong buwan na itong nakakulong mula noong July 9, 2014. 

Humaharap ito sa P172-million plunder case na may kaugnayan sa P10-billion pork barrel scam.

Sa kanyang maikling petisyon, sinabi ni Reyes sa pamamagitan ni Mendoza siya na ang pinakamatagal na nakulong kumpara sa mga dating naakusahan sa pork barrel scam kabilang na sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Senator Ramon Revilla Jr. dating senator Jinggoy Estrada at Enrile.

Si Arroyo ay naabsuwelto noong 2016 sa pamamagitan ng desisyon ng Supreme Court (SC), Revilla sa pamamagitan ng Sandiganbayan noong 2018. 

Si Enrile naman ay pinalaya sa pamamgitan ng pagpiyansa noong 2015 at 2017 nang mapalaya rin si  Estrada ng Sandiganbayan.